Nakauwi na rin silang Thalia sa kanila; isinama niya si Greg dahil gusto nitong sumama sa kanya. Tiningnan niya ang wall clock sa kanilang tahanan na nakasabit.
Mag-aalauna na pala. Napasabi sa kanyang isipan. Hindi na sumama ang kanyang kapatid na si Jenny sa kanya, dahil walang maiiwan sa bahay noong umalis siya kanina.
Antok na antok na rin ang bunso niyang kapatid, kaya pinauna na niya itong matulog, katabi ang isa pa niyang kapatid.
Alam niyang may abilidad ang kanyang kapatid, dahil may tinitingnan ito noong nasa lamay sila, hindi rin ito mapakali, at hinayaan na lamang nito na makipag-usap kay Ericka.
Pinakiramdaman niyang mabuti ang paligid noong nasa lamay siya; nakita niya kung saan naganap ang karumal-dumal na pagpatay kay Jasmin, sa harap mismo ng pintuan, bago ito makapasok sa bahay noon.
Alam niyang may kinalaman ang pagkawala nito sa camping trip, sa warehouse na napuntahan nila, ang panaginip niyang paulit-ulit, ang pagpaparusa kay Ellese, na ayaw na niyang umidlip, dahil natatakot siyang dalawin na naman ng panaginip na ramdam na ramdam sa buo niyang kalamnan.
Nakapagpahinga siya; pagkatapos niyang magbihis, hindi siya dinadalaw ng antok, doon na muna siya sa sala.
Humiga siya sa sofa, patay na ang ilaw, gusto niyang ipikit ang mga mata niya.
Maya—maya’y dumilim ang paligid niya, pinilit niyang pinapakalma ang kanyang diwa, dahil alam niyang magsisimula na naman ang abilidad niyang maglakbay.
Nakita niya ang isang babaeng umiiyak. Kilala niya ang boses na iyon.
"Jasmin." Dali-dali niyang nilapitan ang nakatalikod na babae.
Ito na rin ang pagkakataon na malaman niya ang nangyari, bago ito pinaslang na walang kalaban-laban.
Tama nga siya, si Jasmin nga ang babaeng umiiyak, naawa siya sa anyo nito. Butas ang sentedo at duguan ang mukha, naliligo ito sa sariling dugo at naka-uniporme ito.
Thalia, tulungan mo ako, hindi ako makakaalis sa lugar na ito kapag hindi ko nahanap ang hustisya, tulungan mo ako, ayoko rito, pero ang sakit—sakit ng nararamdaman ko. Pagsusumamo nito.
Nahabag ang puso niya, sa paanong paraan niya tutulungan si Jasmin?
"Anong klase na gusto mong tulong, Jasmin?" Tanong niya sa kaluluwa.
Hinawakan ang kamay niya.
Napunta sila sa isang lugar na napakadilim; may nakikita siyang mga taong naglalakad pabalik – balik na hindi alam ang patutunguhan.
Hindi tao, kundi mga kaluluwa. Iyon ang napasabi sa kanyang isipan noon.
Sinundan niya si Jasmin na naglalakad ng walang katapusan; hindi nila alam ang destinasyon na kanilang pupuntuhan.
May luha siyang nakita ni Jasmin na humalo sa duguan nitong mukha.
Pagod na pagod na ako.
Nakita niya ang mga kaluluwang hindi natatahimik, mga babaeng pinaslang o kaya’y biktima ng black market na pagbebenta ng laman.
Pagod na pagod na kami. Narinig niyang sabi sa mga kaluluwa na halos mabingi siya sa mga palahaw.
Ngayon lang tayo nagkaharap nang ganito, Thalia. Sabi ng isang babae.
"Ellese," kinilala niya ang kanyang kaharap at ang kasama nito. "Felisa."
Ngumiti ng tipid si Ellese sa kanya; ito ang babaeng nakita niya sa panaginip nito. Hindi niya iyon nakakalimutan.
"Si Jasmin lang ang kaya kong tulungan." Iyon ang sabi niya.
"Ang nangyari kay Jasmin ay konektado rin sa amin." Sabi pa nito sa kanya.
"Anong ibig mong sabihin?" Tanong naman niya kay Ellese.
"Ang lahat ng pangyayari, ang lahat ng nangyari ay konektado sa amin, at sa mga madilim na nakaraan ng mga Fuego."
Napakunot ang noo niya, hindi pa rin niya makuha ang gusto nitong iparating sa kanya. Hindi siya nagsalita noon; gusto na muna niyang marinig ang gusto nitong sabihin.
"Konektado rin ang pagkamatay ng iyong magulang sa Fuego."
Doon, nakuha nito ang atensyon niya; marami siyang mga katanungan kung bakit nadamay ang pagkamatay ng kanyang magulang noong mga bata pa sila.
"Kaming mga kaluluwa, kaya naming maglakbay sa nakaraan, dahil ayaw naming tawaging isang ligaw na kaluluwa, kaya rin namin makita ang mga magaganap pa lamang. At lahat ng ito ay konektado sa nakaraan at sa kasalukuyan." Tinitigan siya ng kaluluwa ni Ellese.
"Ligaw na kaluluwa?" Tanging natanong niya.
"Kapag ang isang kaluluwa ay hindi nakita ang destinasyon, unti-unting mabubura ang alaala nila at hindi rin namin maalala kung bakit kami nandirito."
"Bago mawala ang mga alaala namin, hindi ako papayag na kakalimutan ang mga taong pumaslang at sa mga nadamay dahil sa masamang plano ng ama namin."
"Alam kong may abilidad ka, kayong magkakapatid, lahat kayo ay may kanya-kanyang abilidad na pwede ninyong itulong sa mga kagaya namin."
"Anong panlaban namin sa ama mo, Ellese? Maimpluwensya ang pamilya ninyo, ayaw naming madawit kung anong nangyayari sa pamilya ninyo."
"Madawit? Matagal na tayong nadadawit dito, Thalia. Matagal na." Tinitigan siya nang mataman ni Ellese.
"Malalaman mo rin ang lahat, kapag nag-umpisa ka ng kumilos, tayong lahat noon ay nadadawit na. Mas marami pang madadawit kapag hahayaan natin ang mga ito, mas marami pang inosente ang madadamay na walang kinalaman dito. Ang mga pinsan mo, kaibigan mo, madadawit ang lahat, Thalia."
"Anong magagawa ko? Sagutin mo ako, irereport ko sa pulis na nakakausap kita?" Patuya nitong tanong sa kausap niya.
"May ebedinsya na magagamit sa paghuli nito, subalit, mag-ingat ka rin sa mga kapulisan, dahil, hindi lahat ng pulis na iyong lalapitan ay tutulungan ka."
"Anong ebedinsya? Sapat ba iyan na ipahuli at ipakulong ang iyong ama?" Napatanong naman siya.
Kakaiba ang ngiti ni Ellese na ibinigay sa kanya. "Oo, takot na takot sila sa ebedinsyang yaon, na kung saan nakatago rin sa pusod ng kagubatan kung saan kami pinaslang."
"Sa warehouse?" Tanong naman niya.
"Isa iyon sa magagamit ninyong ebedinsya, pero, hindi, may itinago ang ina ni R—Chesca bago ito patayin, hindi rin namin alam kung anong lugar iyon, hindi na rin maalala ng isang ligaw na kaluluwa."
May nakita siyang isang kaluluwa na palakad—lakad lang ito na walang direksyon, nasa 25 o 30’s ang edad nito.
May hinahanap siya sa paligid. Nakita niya ang kanyang mga pinsan, malungkot itong nakatingin sa kanya, tila sa mga mata nito, malapit na rin itong maging isang ligaw na kaluluwa.
Napakuyom siya, hindi niya alam na ganito pala ang mangyayari sa isang kaluluwang hindi matahimik. Nang nahagip siya, nakita niya ang mga magulang niya na sa larawan niya lang nakikita noon.
Bakit nandito sila? Bakit nandito sila? Totoo bang pinaslang kayo? Napatanong sa kanyang isipan na halos hindi niya matanggap na makikita niya ang kanyang magulang, naglalakad—lakad rin ito sa walang direksyon.
"May posibilidad bang maibalik ang alaala ng isang kaluluwa?" Tanong niya.
"Posible, kung malalaman mo kung bakit sila nandito at ano ang kanilang rason." Sagot naman ni Felisa.
Napatango siya.
"Gagawin ko ito para kay Jasmin, sa mga pinsan ko at sa magulang ko." Sabi pa nito sa kausap.
"Huwag lang madamay ang mga kapatid ko."
"Hindi mo pa rin matitigil ang tadhana, Thalia." Sagot naman ni Ellese sa kanya.
Bigla siyang nagising; napansin niya sa labas na maaga na. Kinusot niya ang kanyang mga mata, bumangon siya, at napansin niyang may kumot na nakalagay sa kanyang katawan.
Maagang nagising si Mikaela sa kanyang kwarto; tiningnan niya ang kanyang sarili; hindi na siya si Mikaela Shaina Fuego, kundi si Fredelyn Chase Roman; kahit palitan pa ang kanyang pangalan, hindi pa rin mawawala na ang dugong nanalaytay ay isa pa ring Fuego.
Tiningnan niya ang kanyang sarili sa malaking salamin; tiningnan niya ang kanyang kaanyuan.
Mikaela Tinatawag na naman siya ng kanyang kakambal noon, may biglang lumitaw na isang babaeng naka-uniporme.
"Ellese." Sabi niya.
Ihanda mo na ang sarili mo, malapit na nating makamit ang hustisya.
"Kailan darating ang hustisya, Ellese?" Napatanong naman niya na may kalungkutan, ilang buwan na rin ang nakalipas, matapos ang pangyayaring nagiging isang bangungot niya, kailan niya makikitang muli si Chesca?
Huwag kang mainip, Mikaela, tulungan mo sila. Ikaw ati si Chesca ang pag-asa namin ni Felisa.
Napatango na lamang siya noon, bago ito umalis, yinakap siya ng kanyang kakambal, nakaramdam siya ng malamig na paghaplos noon.
Mag-iingat ka, mag-iingat ka ni Giovane.
Matapos sabihin ang katagang iyon ay nawala ito, dumadalaw sa kanya si Ellese o kaya naman si Felisa, dahil bata pa siya noon, may kakayahan na niyang makita ang mga kaluluwa.
Napaupo siya, balang araw maghaharap sila ni Chesca, kailangan ding maibalik ang totoong alaala nito, dahil si Chesca ang nakasamang matagal nilang Felisa at Ellese, sa publikong pahayagan, ang katauhan lang ni Chesca ang hindi nakita ng karamihan, dahil bunso si Chesca kahit man anak ito sa ibang babae ng kanyang ama.
Noong namatay ang dalawa niyang kapatid, habang nagtatago siya sa mansion ng mga Roman, pinalabas na nawawala siya o kaya’y namatay na rin sa pagtakas niya sa humahabol na mga galamay ng kanyang ama.
Nagkaroon siya ng kalayaang pumili noon, kung ano ang gagawin niya sa buhay noong makatakas siya, hindi niya ipinabura ang kanyang alaala, kagaya ng pagbura sa alaala ni Chesca noon.
Masakit tanggapin sa kanyang kalooban na ipabura ang alaala ng kanyang kapatid, pero iyon ang paraan na maprotektahan din si Chesca, tanging si Giovane lang at ang ama nito ang nakikilala sa katauhan nito.
May ginagawa na siyang mga hakbang kung ano man ang mangyayari sa kanya at kay Chesca, hahanapin nila ang ebedinsyang itinago ng ina ni Chesca, may mga tao siyang pinagkakatiwalaan sa organisasyon na kung saan nagiging mata niya sa pangyayari. Nalulungkot siya na ang isang pinagkakatiwalaan niya ay wala na sa mundo.
Isinumpa niya na bibigyan niya ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang mga kapatid at mga taong inosenteng nadadamay sa kasakiman ng kanilang ama. Nalaman na lamang niya ito noong ipinadukot na sila mismo sa paaralan at dinala sa malayong lugar; doon, naranasan nila ang mamuhay na puno ng takot.
Narinig niya sa pinagkakatiwalaan niyang papatayin sila at patatahimikin. Lalong—lalo na si Chesca, pinoprotektahan nila si Chesca sa abot ng kanilang makakaya, hanggang may nadiskobre rin silang krimen ng kanyang kakambal.
Nalaman nilang pinatay ang kanilang ina na ang pumatay mismo ang kanyang ama. Bata pa sila noon, pero, sa kasulok—sulokan sa isip nila, hindi na magandang tirahan at makasama pa nang matagal ang nagsisilbi na sanang haligi ng tahanan.
"Mikaela," biglang tawag ng kanyang pinsan.
Naputol ang kanyang pag-iisip noon, kaya napalingon naman siya sa tumawag sa kanya.
"Gising ka na pala." Sabi pa nito.
Tumango na lamang siya; tinitigan siya ni Jake noon.
"Ano ang gusto mong gawin ngayon?" Nabigla siya sa katanungan ng kanyang kaharap.
"Unti-unti bumabalik ang alaala ni Chesca, ang sabi ng tumitingin sa kanya, nagkakaroon na ito ng sintomas na malapit ng bumalik ang alaala nito, bilang malapit sa kanya, anong gusto mong gawin?" Paliwanag nito sa sitwasyon ngayon.
Bumabalik na ang alaala niya? Napatanong sa kanyang isipan.
"Hindi kita pipigilan, dahil kapatid ka ni Chesca." Sabi pa nito.
Kahit gusto pa niyang pagtakpan ang alaala nito, pero kailangan niya ngayon si Chesca; alam niya ang alaala na nagdulot sa kanyang kapatid ng malaking trauma. Kaya, para malunasan iyon, ang tanging magagawa lang nila ay burahin ito, kahit man panandalian lang.
Napalunok siya noon, nag-aagaw ang puso at isipan niya kung ano ang desisyon niya para sa kanyang kapatid.
"Felix," tinawag ng kanyang pinsan si Felix.
Hindi ito sumagot na tinitingnan lang siya.
"Nakikita mo rin ba si Ellese?" Tanging napasabi nito.
"Anong desisyon mo, Mikaela?" Iniiwasan nito ang kanyang katanungan.
Bumuntong—hininga siya noon.
"Ipagamot na ang alaala niya, ang alaala niya noon." Napakuyom siya sa kanyang desisyon.
Alam niyang napaka-selfish ng kanyang desisyon ngayon, para rin ito sa kanilang pamilya; pagod na pagod na siyang magkubli sa anino ng nakaraan. Kailangan niyang gawin ang makakaya niya, dahil inaasahan din siya ng kanyang kakambal at ni Felisa.
"Kung ganoon, iyong mga gamot niya ititigil na niya itong inumin, alam ang side effects kapag itinigil nito ang pag-inom." Babala sa kanya ni Jake.
Tumango siya noon, alam niya ang side effects na tinutukoy nito, pero alam niyang makakaya ng kanyang kapatid ang lahat ng iyon.
"Felix, sabihin mo sa doctor na tumitingin sa kanya."
Hindi sumagot si Felix. Naglakad ito papalayo para maisagawa na nito ang pinag-uutos ng kanyang pinsan.
"Hindi ko makalilimutan si Fernan." Sabi niya.
Tumigil ito sa paglalakad, at tiningnan siya. "Maging ligtas ka, kundi mumultuhin ako ni Fernan at ng kanyang mga kapatid." Muli, naglakad ito papalayo.
Tiningnan siya ng kanyang pinsan noon. "Hindi na magiging ordinaryo ang buhay ni Chesca kapag bumalik na ang kanyang totoong alaala." Sabi ng kanyang pinsan.
"Sana hindi ka nagkamali ng iyong desisyon, Mikaela." Tumalikod ito at naglakad na rin.
Noon pa, malayo na ang loob nito sa kanya, dahil may galit ito sa pamilyang Fuego, tinulungan lang sila, dahil nadadawit ang totoong pinsan nitong si Chesca. Gayunman, nagpapasalamat pa rin siya sa pagkopkop noon sa kanya.
Ellese, gabayan at tulungan mo ako sa bawat desisyon ko, hindi ako ganoon at katapang na kagaya mo, Ellese. Napasabi sa kanyang isipan noon na tinitingnan ang larawan noong nabubuhay pa ang kanyang palaging kasangga sa buhay.
Kailangan na niyang maghanda; nababalitaan na rin niyang bumabalik na naman ang black market ng kanyang kapatid na si Giovane, ang kuya nila.
ns216.73.217.128da2


