Kabanata L: Parcel Pa More! Part 1
Pebrero na naman. Malamig ang simoy ng hangin sa Burnayan, pero hindi iyon sapat upang palamigin ang mga iniisip ni Pepe. Buwan niya ito—ang kanyang kaarawan—pero katulad ng dati, hindi siya makapagplano ng kahit anong engrandeng selebrasyon. Kung tutuusin, abot-langit na ang stress niya sa pagiging Class Mayor sa Burnayan University of Trade and Arts.
Isa ito sa mga araw na kung saan gusto na lang niyang maging invisible. Kung pwede lang sana, hindi siya makita ng kahit sino. Pero, syempre, hindi iyon pwede.
Simula pa lang ng buwan, sinisilip na ni Pepe ang schedule niya sa Canvas account nila. Nagbabakasakali siya na baka may isang araw man lang na walang klase o may professor na absent para makapagpahinga siya sa kaarawan niya. Pero hindi. Punong-puno ang kalendaryo niya. May klase siya buong maghapon.
"Pucha," bulong niya habang nakatingin sa cellphone. "Hindi ko na talaga 'to kaya."
Martes ng umaga, pinapaikot niya sa isip ang plano. Gusto niyang kahit papaano, makapagpasalamat siya sa mga kaibigan niya. Hindi man lahat, pero yung mga totoo lang na nakaintindi sa kanya bilang Class Mayor.
Ilan sa kanila ay sina Katrina—ang top student sa klase nila—at sina Aldrin, Jericho, at Marla. Sa 43 nilang magkakaklase, parang COVID-19 Pandemic na dahil nilimitahan lang ni Pepe ang pwedeng ilibre, dahil sino man kayang ilibre lahat ng 43 na classmates niya? At hindi naman lahat ng kaklase niya, gusto siya. May mga kontra pa rin sa kanya dahil daw sa "kakaibang istilo" niya bilang class mayor.
"Ano bang kakaiba? Kasi ba sinusunod ko yung class policy?" tanong niya minsan kay Katrina.
"Hayaan mo na," sabi ni Katrina, "hindi ka naman pwede magustuhan ng lahat."
At sa araw mismo ng Martes, alas onse y medya ng umaga, sabay-sabay silang lumabas ng main gate ng BU-TA.
Hindi biro ang lakad na iyon—1.3 kilometro mula campus hanggang Jollibee sa Burnayan Public Market. Pero masayang naglalakad ang grupo nila, dala-dala ang kani-kaniyang payong dahil tirik na tirik ang araw.
Si Pepe, bitbit ang bag na punong-puno pa rin ng mga class records. Sabi niya, "Pucha, kahit birthday ko, Class Mayor duties pa rin."
"Oy Mayor," sabi ni Jericho, "salamat ha. Happy birthday!"
Tumawa si Pepe. "Wala 'to. Sa inyo rin, salamat sa lahat."
Pagdating nila sa Jollibee, kumuha sila ng dalawang long table sa gilid. Pinagmasdan ni Pepe ang mga kasama niya—yung iba, abala sa pag-order, yung iba naman, nag-uusap na parang reunion.
Bago pa man dumating ang mga pagkain, tumayo si Katrina, seryoso ang mukha. Tumigil sa pagkukwentuhan ang lahat.
"Ano 'to, Katrina?" tanong ni Pepe.
Ngumiti si Katrina, at nilapag ang hawak na wallet.
"Pepe, Mayor," sabi niya, "alam mo, hindi ka perfect. Minsan nakakapagod ka ring kasama dahil masyado kang seryoso sa class duties. Pero sa kabila ng lahat, ikaw yung dahilan kung bakit maayos ang section natin. Hindi ko alam kung papaano mo nagagawang sabayan ang pag-aaral at pagiging class mayor. Hindi lahat ng tao, kaya 'yon. Para kang si Yorme, yung Mayor ng Intraquiando."
Natigilan si Pepe.
"Thank you kasi kahit mahirap, pinipilit mong maging leader. Hindi lang para sa sarili mo, kundi para sa amin. Sana huwag kang magsawa, kasi malaking bagay yung ginagawa mo. Happy Birthday, Mayor Pepe ng aming klase sa College of Engineering, Burnayan University of Trade and Arts."
Palakpakan ang buong grupo. Kahit si Aldrin, tumayo para mag-apir sa kanya.
Nagpasalamat si Pepe, pero hindi niya maikakaila na medyo naiiyak siya. Kahit papaano, may mga tao pa ring nakakaintindi sa kanya.
Sa sumunod na araw, Miyerkules, ang B-day Proper, gusto sana ni Pepe na magkaroon ng tahimik na celebration. Pero gaya ng inaasahan, fully booked ulit ang schedule niya.
Pero nang i-check niya ang timetable, napansin niya na may one-hour break siya—mula 10:30 hanggang 11:30.
"Pwede na 'to," isip niya.
Habang nasa Understanding the Self subject sila, biglang nagvibrate ang cellphone niya.
May isang palang text message mula kay Yoli
Binuksan niya ang message.
Yoli: "Hoy, birthday mo kahapon, 'di ba? Maglunch nga tayo ngayon. Libre mo ako. HAHAHA."
Napahawak sa noo si Pepe.
"Grabe talaga 'tong batang 'to," bulong niya.
Pero dahil wala rin siyang STS class pagkatapos, nagdesisyon siyang pumayag.
Pagkatapos ng klase, dumiretso siya sa Main Gate, at sumakay siya agad ng tricycle mula BU-TA papuntang Divine Word College of Burnayan. Habang nasa biyahe, iniisip niya kung anong drama na naman ang haharapin niya.
Pagdating niya sa harap ng asul na gate ng DWCB, andun na si Yoli, nakatayo, nakapamaypay, at parang may iniisip na kung anu-ano.
"Hoy," bati ni Pepe.
"Tagal mo!" reklamo ni Yoli.
Naglakad sila pa-timog hanggang Calle Mena at pumasok sa Max Restaurant.
Pagkaupo pa lang nila, andami nang request ni Yoli.
"Gusto ko ng Bagnet Bowl, Pancit Canton, Turones with Fried Plate, Lechon Kawali, Kare-Kare, Sinigang na Baboy... tapos yung Ube Ice Cream, at Choco Mousse nila. O, ikaw?"
Si Pepe, umiling. "Ha? Pili ka na lang ng isa."
"Ayoko. Gusto ko lahat."
Napabuntong-hininga si Pepe. "Ok. Fine. Bagnet Bowl, Pancit Canton, at Ube Ice Cream."
Sa isip niya, "Kung hindi ko ito pagbibigyan, mag-aalburuto na naman."
Wala siyang inorder para sa sarili. Pero habang hinihintay nila ang pagkain, nagsimulang tumingin si Yoli sa paligid, parang tinitsek kung may kakilala siyang makakakita sa kanila.
Pagdating ng pagkain, kinuha ni Yoli ang Bagnet Bowl. Pero bago pa niya kainin, inabot niya kay Pepe.
"Oh, kainin mo na 'to," sabi niya.
Walang nagawa si Pepe kundi sundin.
Habang si Yoli, kinain ang Pancit Canton, pero inalis lahat ng hipon at nilagay sa plato ni Pepe.
"Ayoko ng seafood," sabi ni Yoli, walang pakialam.
Nang matapos na sila, si Yoli, nakangiti habang nilalaro ang spoon. Si Pepe naman, tahimik na nagrereview ng notes ng Integral Calculus nila at binibilang ang sukli niya mula sa Jollibee kahapon.
Buti na lang, sapat pa ang pera niya.
Naglakad sila palabas papunta sa Calle Mena, kung saan may mga souvenir stalls.
Habang namimili si Yoli ng pamaypay, wallet, at kung anu-ano pang kalokohan, nagpayong si Pepe dahil tirik na tirik ang araw.
Lumapit si Pepe at sinilungan si Yoli.
Pero bigla siyang suminghal.
"Alis diyan!"
"Ha? Bakit?" tanong ni Pepe.
"Baka ma-issue ako dito sa DWCB kapag nakita nila tayong magkapayong!"
Napailing si Pepe.
"Ano bang pagkaabalahan mo, Yols? Sa labas, kapatid kita. Pero sa pribado... alam mo na."
Hindi sumagot si Yoli. Nilingon lang siya na parang wala siyang narinig.
Maya-maya, nagpabili na naman si Yoli.
"Bilhan mo ako ng pamaypay. Yung purple. Tapos wallet. At yung bracelet dito na may beads. Pati rin yung Kuromi na keychain doon. "
Napabuntong-hininga ulit si Pepe.
Nang sumapit ang alas-onse medya, sabay silang naglakad pabalik sa DWCB gate.
"Bye," sabi ni Yoli.
"Bye," sagot ni Pepe.
Lumakad si Yoli papasok, habang si Pepe naman, sumakay ng tricycle pabalik sa BU-TA.
Pagkauwi niya sa Puerto Pandan, tumunog ang cellphone niya.
Si Lola Lena.
Pag-angat niya, narinig niya agad ang boses nito.
"Pepe, happy birthday, iho. Pero, sorry ha? May ibabalita ako..."
Napabuntong-hininga si Pepe. "Ano po?"
"May nadiskubre kami. Nag-oorder na naman si Yoli. Pero hindi na Shopee o Carousell. TikTok na raw."
"TikTok?! Ano ba 'yan..."
"Sabi ko na kay Tita Criselda at Cristina mo para icheck nila," dagdag ni Lola Lena.
Natigilan si Pepe.
"Iho, huwag ka nang mag-alala. Hayaan mo na lang si Yoli. Lalo na kasi yung pagkamaldita niya... parang chihuahua."
Napangiti si Pepe kahit papaano.
Pagkababa ng tawag, umupo siya sa gilid ng kama.
"Pucha... sino bang hindi nakakadismaya sa ugali niya? Muntik na akong mamatay ng limang beses dahil sa kaniya," bulong niya sa sarili.
"Pero... if she doesn't want to be bothered, let her be."
Ilang araw na lumipas.
Sa apartment sa Basi, sunod-sunod na dumating ang mga parcel—mga bag, trinkets, accessories, at merch.
Halos araw-araw, nagbabayad sina Lola Lena, Tita Cristina, at Criselda.
Hindi na nila alam kung saan kukunin ang pambili ng bigas, pangrenta, at pambayad ng kuryente.
Minsan, sinasabihan nila si Yoli:
"Yoli, tama na..."
Pero hindi siya nakikinig.
Hanggang isang gabi, nagmaldita na naman siya.
"Kung hindi nyo makukuha ang gusto ko... ako na lang ang kukuha para sa AKIN!"
ns216.73.216.243da2


