Kabanata XXXVIII: Completion
Kinabukasan, maaga pa lang, nagigising na si Pepe. Malakas ang tibok ng puso niya. Hindi dahil kabado siya sa exams o sa isang tampuhan kay Yoli—kundi dahil graduation na. Isang malaking araw ito, isang araw na matagal niyang inasam-asam simula pa noong Grade 7 siya, noong una pa niyang pinangarap na matapos ang Senior High.
Habang nakaupo siya sa gilid ng kama, suot pa rin ang lumang puting sando, iniisip niya na, Grabe, ang bilis ng panahon. Parang kahapon lang, tinatawag siyang "Pogi" ni Ma'am Cielo dahil siya raw ang pinakamabait sa klase. Parang kahapon lang, sinasabi ng mga kaklase niya na siya ang "walking calculator." Parang kahapon lang, ipinangako niya kay Yoli na aabot sila sa araw na ito—ang araw na magsusuot siya ng toga at magmamartsa.
Sumilip siya sa salamin. Sabog pa ang buhok niya, pero natatawa siya. "Pucha, mukhang kelangan ko na magpagupit," bulong niya. Pero wala na siyang panahon—kailangan na niyang mag-ready.
Binuksan niya ang aparador at kinuha ang puting polo at itim na slacks. Dahan-dahan niyang isinuot iyon, iniingatan na hindi maglukot ang tela. Sinuot niya rin ang paborito niyang relo—'yung kulay itim na bigay ni Lola Lena noong nakaraang birthday niya. Huminga siya nang malalim. Ready na ako.
Pagdating niya sa DWCB, nandoon na ang karamihan sa mga kaklase niyang taga-STE-12. Nakatayo sila sa hallway ng lumang gusali, nagtatawanan, nagkukulitan, at nagsisigawan ng "Uy, graduate ka na!" kahit halatang lahat sila kinakabahan din.
Nasa tabi ng pinto si Sir Tacio, hawak ang attendance sheet at isang camera na mukhang ilang taon na ring ginagamit ng buong departamento.
"Oh, Pepe!" sigaw ni Sir Tacio, habang itinataas ang camera. "Sige, pumunta ka na doon sa likod. Mag-group photo tayo bago mag-marcha."
Lumapit si Pepe sa grupo. Sinalubong siya nina Terio at Migs.
"Hoy, bro!" sabi ni Terio, sabay kurot sa braso ni Pepe. "Ready ka na maging unemployed?"
Napangiti si Pepe. "Tarantado, may college pa!"
"Oy, picture na!" sigaw ni Sir Tacio.
Sabay-sabay silang pumuwesto. Yung ibang babae, nagpo-pose ng pa-cute peace sign. Yung ibang lalaki, nakakunot-noo kunwari para pogi effect. Si Pepe, nakatayo lang sa gitna, pero hindi maitago ang saya.
Click.
"Isa pa!" sigaw ulit ni Sir Tacio. "Yung masaya naman!"
Nagtawanan sila. May kumakalabit pa sa gilid ni Pepe. Pagtingin niya, si Migs pala, gumagawa ng bunny ears sa likod ng ulo niya. Napapikit si Pepe at tinawanan na lang ang kalokohan ng tropa.
Maya-maya, nakita niya sa may gate sina Lola Lena at Yoli, sumisilip papasok ng campus. Si Lola Lena, kumakaway. Si Yoli naman, nakapamewang. Kita ni Pepe sa mukha ni Yoli ang matagal nang paborito niyang expression—ang kombinasyon ng inip, pagkainis, at konting pagmamalaki.
"Ang tagal niyo!" sigaw ni Yoli, kahit nasa labas pa siya.
Napailing si Pepe. Hay naku, ito na naman si Madam Maldita, sabi niya sa isip. Pero pinili na lang niyang ngumiti at kumaway pabalik. Sanay na siya sa mood swings ng nobya, at sa araw na ito, hindi niya papayagang masira ang saya niya.
Kahit si Lola Lena, halatang naaaliw. "Hay, Yoli, kalmahin mo yang sarili mo," sabi ni Lola, pero ngumiti rin siya kay Pepe na para bang sinasabing, Pasensiya ka na talaga sa apo ko.
Alas-singko ng hapon, nagsimula na ang Marcha sa loob ng DWCB Auditorium. Isa-isa silang nakapila, bawat hakbang tinatandaan ni Pepe na baka ito na ang huling pagkakataon na makalakad siya sa pasilyong iyon bilang estudyante.
Sa entablado, tumayo si Fr. President. May mikroponong hawak, at nang magsimula siyang magsalita, biglang tumahimik ang lahat.
"Mga minamahal naming graduates," sabi niya, mababa at seryoso ang boses, "ang araw na ito ay bunga ng inyong sakripisyo, tiyaga, at pananalig. Hindi madali ang landas na ito, ngunit narito kayo ngayon—matapang, handang sumabak sa susunod na yugto. Lagi ninyong tandaan, higit pa sa diploma, ang pinakamahalagang baon ninyo ay ang kabutihan at dangal na itinuro sa inyo ng institusyon na ito, ang Divine Word College of Burnayan. Congratulations sa inyong lahat."
Isang malakas na palakpakan ang sumunod. Marami sa mga magulang, may luha na sa mata. Kahit si Pepe, kinikilabutan sa sinabi ni Father President.
Pagkatapos, tumayo na ang Class President nila, si Clarisse, hawak ang papel ng speech.
"Sa lahat ng mga magulang, guro, at kaibigan, maraming salamat," sabi ni Clarisse, nanginginig ang boses. "Hindi madali ang maging estudyante—lalo na sa mga panahong parang gusto na lang natin sumuko. Pero tinuruan tayo ng DWCB na bumangon, lumaban, at magmahal sa kapwa. Kaya ngayong araw, sabay-sabay tayong magpasalamat sa lahat ng naging parte ng ating paglalakbay. From the four walls of our classroom, we've been united with each other and making memories, like a lot. As we go out of this prominent institution, the Divine Word College of Burnayan, we shall carry, we shall embody the characteristics of what it is to be a good Divinian. Like in our hymn, 'Wherever we may be, Whatever we may be, Faithful daughters and loving sons, we will ever be!'. Sa mga best friends ko, mga kaklase ko, at mga ka-batch ko, na nandito sa St. Arnold Janssen Hall, o ang DWCB Auditorium, congratulations to all of us!"
Tumango si Pepe, pinahid ang kunting luha. Totoo ang sinabi ni Clarisse—hindi naging madali ang lahat, pero andito na sila. Graduate na sila.
Nagsimula ang awarding. Una, tinawag ang mga taga-STE-12. Isa-isa silang umakyat sa entablado, inaabot ang envelope na akala nila'y diploma.
"Jose Maria Balweg, With High Honors," tawag ng emcee.
Lumapit si Pepe. Habang inaabot ang envelope, ngumiti siya kay Sir Tacio.
"Congrats," sabi ni Sir, sabay tapik sa balikat niya.
"Salamat, Sir," sabi ni Pepe, hawak-hawak ang envelope na may seal ng DWCB at salita sa baba ng seal na "Senior Highschool".
Pagkatapos ng STE-12, sumunod na tinawag ang Regular STEM, tapos ABM-GAS. Sa bawat pangalan na binibigkas, rinig ang palakpakan at hiyawan ng mga magulang.
Sa STE-12, labingsais sa kanila ang may High Honors, kabilang si Pepe. Si Terio at Migs naman, parehong With Honors. Habang kinikilala sila, naririnig niya si Lola Lena sa likod, sumisigaw ng "Yehey, Pepe!"
Pagkatapos ng awarding, sabay-sabay silang kumanta ng DWCB Hymn. Hindi pa man sila nakaka-chorus, may mga umiiyak na.
"Hail, Divine Word College, Alma Matter, Beloved~~" ang unang linya ng kanta. Pero sa kalagitnaan, hindi na makakanta nang maayos si Clarisse dahil sa hikbi. Yung katabi ni Pepe, humihikbi na rin, kaya tinapik niya sa likod.
Grabe, sabi niya sa isip, nakakaiyak talaga.
Pagkatapos ng kanta, nagkatinginan silang lahat. Ilang segundo ng katahimikan—parang sabay-sabay nilang naisip, Tapos na. Lahat ng hirap, tapos na.
Pagbukas niya ng envelope, kinabahan siya. Inaasahan niyang makita ang diploma—'yung may pirma ng registrar, embossed seal, at pangalan niya sa malaking font. Pero hindi iyon ang laman.
Sa halip, isang bond paper lang ang nakalagay, may malalaking letra sa gitna:
"Congratulations!"
Napakurap siya. Ano 'to? Joke?
Tumawa si Terio sa tabi niya. "Pareho tayo. Wala pa raw ang diploma!"
"Eh di wow," sabi ni Pepe, nangingiti na lang. "Pwede pala 'yon?"
Paglabas nila ng Auditorium, 10pm na. Madilim na ang paligid, pero punong-puno ng liwanag mula sa mga cellphone flashlight ng mga magulang. May mga nagpi-picture pa, may nagkukwentuhan, may nag-aayos ng toga.
Nagchat sina Yoli at Lola Lena kay Pepe.
"Congrats," sabi ni Yoli, pero may halong inis pa rin ang mukha.
Napailing si Pepe. Hay naku, kahit graduation, maldita ka pa rin, isip niya. Pero hindi na siya nagreact. Alam niya, ganyan talaga si Yoli.
Nagtext si Lola Lena sa kanya. "Iho, proud kami sa'yo."
"Salamat po, Lola," sabi niya, good reply niya.
Hindi nagtagal, lumapit ang pinsan ni Pepe na galing Regular class. Pareho nilang hawak ang "Congratulations!" envelope na walang diploma.
"Sabay tayo magcelebrate?" tanong ng pinsan niya.
"Oo naman," sabi ni Pepe, ngumiti.
Kaya naglakad silang magpipinsan, kasama ng mga mama at papa nila, at extended family, palabas ng gate ng DWCB. Habang naglalakad, iniisip niya, Hindi na bale kung wala pang diploma. Ang mahalaga, natapos ko ito.
At kahit alam niyang sa susunod na mga araw, baka may tampuhan ulit sila ni Yoli, ngayon, pinipili muna niyang maging masaya.
68Please respect copyright.PENANAYOg8vYuqtB


