Kabanata XXXIII: Sana Surprise
Pagod na pagod si Pepe. Pakiramdam niya, kahit tatlong unan at dalawang kumot, kulang pa rin para maibsan ang kirot sa katawan niya. Kanina pa sila tapos sa play nila, pero hanggang ngayon, umiikot pa rin sa isip niya ang mga linya ni Lam-Ang, ang mga hiyaw ng mga Igorot, at ang mabigat na costume na halos sinakal siya buong pagtatanghal.
Alas-nwebe na ng gabi nang tuluyan siyang bumagsak sa kama, suot pa rin ang itim na sapatos na parang bakal sa bigat. Hindi na nga siya nag-alis ng polo at slacks—wala na siyang lakas para gawin 'yon. Pumikit siya at sa loob ng ilang minuto, tuluyan na siyang naidlip.
Sa panaginip niya, nakatayo raw siya sa gitna ng entablado, nakasuot pa rin ng damit-Igorot. Nakatingin ang lahat sa kanya—mga kaklase, mga guro, si Yoli, si Jenny, si Lola Lena. Saka bigla siyang tinapik ng direktor nilang si Sir Favis at sinabing, "Pepe, ikaw na lang ang hindi nagbo-bow."
Napatingin siya sa audience. Naroon si Yoli, naka-nguso, parang naiinip na. Tumango siya, sabay lumuhod at yumuko. Pag-angat niya ng ulo, wala na ang lahat ng tao. Mag-isa na lang siya sa entablado, hawak ang isang basket ng ukay-ukay.
Doon siya biglang nagising, humihingal at pawis na pawis, na parang totoo ang lahat ng iyon.
Pagtingin niya sa orasan, alas-otso na ng umaga. Sabado ngayon, sabi niya sa sarili. Buti na lang.
Kinuha niya ang cellphone at nagulat siya nang makita ang isang chat mula kay Yoli.
Yoli:
Uyyyy, labas tayo Pepe pls
Napahawak siya sa noo. Kagabi lang, halos patay na ako sa pagod. Ngayon, labas na naman?
Nag-reply siya, mabagal ang mga daliri.
Pepe:
SLR, kelan Yols?
Hindi pa umaabot ng isang minuto, nagreply na agad si Yoli.
Yoli:
Ngayong hapon!
Napapikit siya nang mariin. Ang daming pwedeng mangyari ngayong hapon: puwedeng matulog siya buong araw, puwedeng magsulat ng nobela, puwedeng hindi siya gastusan ni Yoli. Pero hindi—labas na naman.
Wala na siyang magawa. Hindi niya kayang tanggihan si Yoli. Sa dami ng pinagsamahan nila, sa dami ng iniyakan nito sa kanya, parang may kontrata na silang hindi sinulat pero bawal suwayin.
Kaya kinuha niya ang cellphone at tinawagan si Lola Lena.
Tumunog ng ilang beses bago sinagot.
"Hello, Pepe?" malumanay na boses ni Lola.
"Lo..." sabi niya, parang batang nag-aalangan, "Gusto daw lumabas ni Yoli... ngayong hapon..."
"O, sige, iho. Sasama ako para may bantay," sabi ni Lola Lena.
Napahinga siya nang malalim. "Salamat po, Lo..."
"Wala iyon, anak. Magpahinga ka muna."
Pagkababa niya ng tawag, naisip niyang matulog ulit. Pero dahil nakainom siya ng kape kagabi para hindi antukin sa play, gising na naman ang diwa niya. Kaya tumayo siya, kinuha ang towel, at nag-shower na lang para luminis kahit paano.
Ilang oras ang lumipas...
Alas-tres ng hapon, nasa labas na sila ng McDo. Si Yoli, naka-white dress at may sling bag na kulay beige. Si Lola Lena naman, naka-pulang blouse at may hawak na paypay kahit hindi naman mainit. Si Pepe, simple lang ang suot—T-shirt at maong pants, pero kitang-kita sa mukha niya ang pagod.
"Yols," sabi niya, habang naglalakad sila papasok, "sigurado ka bang okay lang na dito tayo?"
"Oo naman," sagot ni Yoli, na parang excited na excited. "Gusto ko ng fries!"
Nasa loob pa sila ng pila nang biglang sumigaw si Yoli, "Kuya, order ka na ha, cr lang ako!" sabay takbo papuntang restroom.
Naiwan si Pepe at Lola Lena sa pila. Nagtitinginan ang ibang tao sa kanila. Si Pepe naman, nakayuko lang, parang gusto na niyang matunaw.
Pag-upo nila sa mesa, wala pang ilang minuto, bumalik na si Yoli. Pero bago pa siya makaupo, napansin ni Pepe na parang may kakaiba sa pakiramdam niya.
Habang hinihintay niya ang order nila, biglang bumalik ang mga alaala kagabi—ang entablado, ang spotlight, ang panaginip niyang iniwan siya ng lahat.
Magga-graduate na ako ngayong taon, sabi niya sa sarili. Iiwan ko si Yoli dito sa DWCB. Anong mangyayari sa kanya?
Habang nakatingin siya sa mesa, unti-unti siyang nilalamon ng alalahanin. Pumikit siya, at hinayaan ang sarili na magmuni-muni.
Buong meditasyon niya...
Nakilala ko si Yoli noong Grade 11 ako. Noon pa lang, mataray na siya, maarte, madamdamin. Pero, siya rin ang taong unang nagpakita sa akin kung paano magmahal ng sobra, kahit hindi perpekto. Madalas siyang nagagalit. Madalas niya akong pinapahiya. Pero sa bawat inis ko sa kanya, sa bawat reklamo ko, bumabalik ako. Kasi, mahal ko siya.
Pero, Pepe... kapag naka-graduate ka na... wala ka nang dahilan para bantayan siya palagi. Lalayo ka na. Magka-college ka na. Magbabago lahat.
Naramdaman niyang may bumara sa lalamunan niya. Ayaw niyang umiyak sa harap ni Lola Lena, lalo na sa harap ni Yoli.
Ano kayang mangyayari? Makakayanan ba niya nang wala ako sa loob ng paaralan? Paano kung mas lalo siyang mag-rebelde? Paano kung wala nang magbigay ng pambayad sa ukay niya?
Muntik na siyang mapabuntong-hininga nang mahaba, pero pinigilan niya. Kahit pagod na pagod siya, pinipilit niyang kumalma.
"Uyy, ano iniisip mo?" tanong bigla ni Yoli, na kakabalik lang mula CR.
Napabalikwas si Pepe. Tinitigan niya si Yoli—makinis ang mukha, nangingintab ang lipstick, pero parang walang alam sa bigat na pasan niya.
"Wala," sabi niya.
Bago pa siya makapagsalita ulit, tumunog ang buzzer. Nakatayo siya agad para kunin ang pagkain nila.
Pagbalik niya, tinignan siya ni Lola Lena at ngumiti. "Pepe, okay ka lang ba?"
"Okay lang po, Lo."
Hindi na siya nagsalita pa. Sa isip niya, may plano na siyang buuin. Pero hindi ito dapat malaman ni Yoli—kahit sino.
Kinagabihan...
Pagkatapos nilang kumain, ihinatid ni Pepe at Lola Lena si Yoli pauwi. Pagdating sa bahay nila Yoli, nag-goodnight sila sa isa't isa. Pero pag-uwi ni Pepe sa bahay, hindi siya mapakali.
Humiga siya sa kama, kinuha ang cellphone, at chinat si Jenny.
Pepe:
Jenny, pwede ba kitang makausap? May plano ako... surprise para kay Yoli.
Hindi pa lumilipas ang dalawang minuto, nagreply na si Jenny.
Jenny:
G na G ako diyan! Ano yan?
Huminga siya nang malalim.
Pepe:
Hindi ko pa pwede sabihin lahat. Pero kailangan ko ng tulong mo, pati nina Paula, Cristine, at Miranda.
Jenny:
Sure, kuya! Count us in.
Napangiti siya kahit kaunti. Salamat, Jenny. Kahit paano, may kasama ako.
Habang pinapatay niya ang ilaw sa kwarto, napapikit siya. Pagod na pagod na siya, pero may konting pag-asa na rin sa dibdib niya.
Darating din ang araw... magiging maayos din ang lahat.
Kinaumagahan, habang tahimik pa ang paligid at tanging huni lang ng mga maya sa bintana ang maririnig, nakaupo si Pepe sa harap ng luma niyang laptop. Sumasabog na ang utak niya sa dami ng iniisip—ang pagod sa play, ang dami ng ukay-ukay ni Yoli na kailangang bayaran, ang bigat ng graduation, at ang alalahanin kung anong mangyayari sa relasyon nila kapag wala na siya sa DWCB.
Hindi ko puwedeng basta-basta iwan si Yoli nang walang kahit anong alaala, bulong niya sa sarili. Dapat may isang bagay akong iiwan na tatatak sa kaniya.
Huminga siya nang malalim at nagsimula na siyang mag-create ng group chat.
[Creating group chat...]125Please respect copyright.PENANAlmnwhIxiAF
GC Name: Mission Surprise Para Kay Yols
Pipiliin ko 'yung mga tunay na matitino at hindi tsismosa, sabi niya sa sarili habang pinipindot ang pangalan nina Jenny, Paula, Cristine, at Miranda sa contact list.
Pagkatapos, nag-type siya ng maikli pero malaman na mensahe para sa opening:
Pepe:
Good morning. Huwag kayong ma-shock pero may importante akong sasabihin. Bago ko i-share ang plano ko, may aaminin muna ako sa inyong lahat.
Natigilan siya, kinabahan. Bahala na.
Pepe:
Ako ang jowa ni Yoli.
Hindi pa nga niya naipapadala ang sunod na mensahe, nagkandarapa na sa pagreply ang mga babae.
Jenny:
AYYYY! ALAM KO NA!
Paula:
OMG???
Cristine:
Totoo ba 'to?
Miranda:
Di ako makapaniwala pero parang alam ko na rin dati pa HAHAHA
Napakamot na lang si Pepe sa batok niya. Ay susmaryosep. Wala pang plano, napuno na ng emojis ang chat.
Pepe:
Oo, totoo 'to. Pero please, wag niyong ipagsasabi kahit kanino. Promise niyo 'yan.
Jenny:
Pinky swear!
Cristine:
Walang makakaalam. Scout's honor.
Paula:
Kahit kay Enzo, di ko sasabihin!
Miranda:
Secret vault ito, pramis.
Medyo nakahinga na siya nang maluwag. At least, dito palang sa umpisa, malinaw na ang usapan.
Pepe:
Salamat. Eto na talaga ang plano ko.
Inihanda niya ang mahabang mensahe, parang briefing sa military.
Pepe:
Gusto ko sana gumawa ng surprise kay Yoli bago ako maggraduate. Ayokong basta umalis na lang ako dito sa DWCB na wala man lang akong gagawin na memorable.
Plano ko: scavenger hunt. Hindi proposal ha! Baka isipin niyo kung ano na! Surprise lang talaga para masaya siya.
Napahagalpak sa tawa si Jenny at Miranda habang binabasa ang chat.
Jenny:
Akala ko proposal na eh.
Paula:
May dala na sana akong confetti hahaha
Pepe:
Huwag muna, baka himatayin si Yoli.
Nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag.
Pepe:
Heto ang step by step:
Una, ikaw Jenny ang unang guide. Maghihintay ka sa STE-7 Classroom. Bibigyan mo siya ng unang clue.
Pangalawa, idadala mo siya sa Plaza Immaculada. Doon mo siya ibibigay ang susunod na clue.
Pangatlo, papunta kayo sa tambay spot natin sa harap ng College Building, sa tabi ng Auditorium. May isa pang clue doon.
Pang-apat, pupunta kayo sa likod ng bleachers. May maliit na envelope na nakatago sa ilalim ng bangko. Kunin ni Yoli.
Pang-lima, diretso kayo sa harap ng Guidance Office. Doon naman si Cristine ang susunod na magbibigay ng clue.
Pang-anim, pupunta kayo sa STE-12 Classroom. Naka-tape sa pintuan ang clue number six.
Pang-pito, punta kayo sa guard house. Si Ma'am Jacqueline, yung guard natin, magbibigay ng maliit na brown bag kay Yoli. May clue at maliit na souvenir doon.
Pang-walo, diretso kayo sa 7/11 para makabili ng drinks. Pahinga muna kayo saglit doon.
Pang-siyam, punta kayo sa playground ng Plaza. May colored envelope na nakatago sa ilalim ng slide.
At pang-huli, sa Empanadahan. Doon ako maghihintay kay Yoli.
Pagkatapos niyang i-type, parang bumagsak ang daliri niya sa pagod. Ano ba itong pinasok ko, sabi niya sa sarili.
Miranda:
Grabe ka, Pepe. Akala ko talaga wedding proposal na 'to.
Jenny:
Parang treasure hunt ng mga bata pero ang cute.
Paula:
Nakakakilig! Pero sure ka ba hindi ito proposal???
Pepe:
Sure na sure! Surprise lang ito. Graduation gift ko sa kanya.
Cristine:
Naiiyak ako. Hindi nga kayo nagpo-propose pero parang proposal vibes na rin 'to.
Pepe:
Baka matakot si Yoli pag naisip niyang proposal. Mahimatay pa 'yon.
Miranda:
Ano ba dapat naming gawin bukod sa pagbabantay sa kanya?
Pepe:
Kailangan lang na hindi siya mawala sa ruta. Baka biglang mag-ukay-ukay ulit. Alam niyo na. Kapag may sale sa Belle Boutique, wala na tayong laban.
Jenny:
HAHAHAHA noted! Wala munang ukay habang mission.
Cristine:
G na kami. Kailan 'to mangyayari?
Pepe:
Sa huling linggo ng klase. Gusto ko yung timing na ready na akong magpaalam pero may alaala siya sa akin.
Tahimik sandali ang GC. Halos lahat, hindi makapagsalita.
Si Jenny ang unang nagtype.
Jenny:
Seryoso, Pepe... ang bait mo. Grabe ka. Hindi lahat ng lalaki kayang gumawa ng ganito.
Paula:
Totoo. Hindi nga kayo perfect pero nakikita ko na mahal mo talaga si Yoli.
Napahinga si Pepe. May kung anong gumagaan sa dibdib niya.
Pepe:
Salamat sa inyo. Huwag niyong kalimutan, ha? Secret lang 'to.
Miranda:
Promise. Kahit sipain mo ako, di ko isusumbong.
Cristine:
Ako rin. Cross my heart.
Jenny:
Pinky promise sa GC na 'to.
Nagreply si Pepe ng thumbs up emoji. Kahit simple, alam niyang maaasahan niya ang mga kaibigan ni Yoli.
Habang nakaupo siya, tinititigan niya ang cellphone. Iniisip niya si Yoli—kung gaano kadalas nitong pagod na pagod siya, pero kapag humihingi ito ng tulong, hindi niya ito matiis. Iniisip niya rin kung anong mukha ni Yoli kapag natapos ang scavenger hunt. Siguro, iiyak iyon. O baka magalit pa rin kasi wala na naman siyang naipon na allowance.
Napangiti si Pepe. Wala na. Tanggap ko na. Mahal ko 'yung batang iyon kahit gaano siya kagulo.
Nasa ganito siyang pagmumuni-muni nang biglang nag-vibrate ang cellphone niya. Si Jenny ulit.
Jenny:
O, Pepe. Anong ibibigay mo sa dulo? Flower? Stuff toy? Necklace?
Napaisip siya.
Pepe:
Secret pa. Basta, may meaning 'yon.
Hindi na siya nagdagdag. Ayaw niyang i-share lahat. Gusto niya may kaunting misteryo.
Ito na siguro ang pinakamatinding surprise na magagawa ko habang nandito pa ako sa DWCB, sabi niya sa sarili. Sana, pagdating ng araw, matandaan niya ito.
125Please respect copyright.PENANAQQX7SYH0no


