KABANATA 9: Ang Firefighter na may Bitbit na Regalo
Hindi siya mahilig makialam sa mga bagay na wala siyang karapatan. Pero hindi niya maiwasang mapansin si Drei.
“Firefighter daw,” sabi ni Jeanine minsang nagkukuwentuhan sila sa app. “Crush ng bayan, halatang chickboy—pero mabait.”
Nauna siyang natawa, pero sa loob niya ay may kung anong pumikit. Pakiramdam niya, narinig niya na ang mga salitang iyon dati. Sa San Pedro. Kay Estella. Yung mga panahon na minahal siya ng babaeng ni minsan ay hindi niya sinadyang saktan—pero nabaon pa rin sa bangungot ang lahat.
Si Drei ang tipo ng lalaking kumpleto ang package: matangkad, makisig, makwento, madaldal. At higit sa lahat, laging may pasalubong kay Jeanine sa app—kung hindi virtual flowers, chocolates, gifts, minsan pa nga mic stand at background effects.
"Nakakahiya naman kay Drei, laging may pa-gift," minsan natatawang sabi ni Jeanine. Pero si Dominic, tahimik lang. Hindi siya marunong sa ganun. Wala siyang pambili. Ang kaya lang niyang ibigay—oras, at pakikinig.
At minsan, pakiramdam niya kulang iyon.
Minsang nagkaroon ng live jamming event ang group nila. Na-livestream. Lahat nag-perform. At gaya ng inaasahan, si Jeanine ang pinaka napalakpakan. Walang fanfare, pero pag-akyat nito sa stage, tila ba ang buong chatroom ay natahimik. Payat, naka-sweater, may salamin. Naka ponytail lang. Wala ni isang piraso ng balat na naka-expose. Pero naroon ang kinang, ang bagsik, ang alindog.
"Ganun ka ba ka-confident ‘pag nagpe-perform?" tanong niya pagkatapos.
“Hindi noh. Halata ba?” natatawang sagot ni Jeanine. "Pero iniisip ko lang lagi, may isang taong palaging nanonood."
"Sinong—"
“Si mama ko.” Sabay tawa. “At syempre, ikaw.”
Nang gabing iyon, habang si Drei ay busy sa pagso-solicit ng claps and virtual gifts para kay Jeanine, si Dominic ay tahimik lang na nakaupo, nakangiti sa gilid ng screen. Wala siyang naambag kundi emojis. Wala siyang kayang ibigay kundi genuine admiration.
Pero isa lang ang alam niya—wala man siyang regalo tulad ni Drei, pero bawat pagkanta ni Jeanine, tanging sa kanya ito tumitingin pagkatapos. At sa puso niya, sapat na iyon.
ns216.73.216.237da2